Dazelle’s first appearance in DZMM Teleradyo’s Magandang Gabi Dok. (in photo L-R: Former PLM Staff Lorna Lumiaoan, Dr. Belen Dofitas-PLM Pres., Hosts Nina Corpuz & Dr. Luisa Puyat of DZMM Teleradyo).
Ako si Dazelle …sana huwag kayo lumayo kahit malaman nyo na nagkasakit ako ng leprosy.
Noong una kong makita ang mga namumuting marka sa iba’t-ibang bahagi ng aking katawan, kinabahan ako at nagpunta ako agad sa dermatologist. Agad naman akong pina-biopsy ng doctor at nakita na positibo ako sa sa sakit na leprosy. Mula noon hindi na ako nakapagtrabaho dahil mahina ang aking katawan at kailangan ko ng mahabang panahon na gamutan.
Natuwa ako na may gamot na pala para sa leprosy kaya lang nagpupuyos ang aking kalooban na tanggapin ang aking sakit dahil ako mismo ay natakot na layuan ako ng aking mga kaibigan. Mas lalo akong nahirapan sa kalagayan ko ng ako ay magkaroon ng “lepra reaction” pagkatapos ng ilang buwan kong paggagamot ng MDT (Multidrug Theraphy). Nakaranas ako ng sobrang sakit at mga sugat sa balat. Agad akong humingi ng tulong sa Philippine General Hospital. Doon ko nakilala ang iba pang nagkasakit ng leprosy dahil may grupo silang UP-PGH Hansen’s Club (isang support group na tinutulungan ng Philippine Leprosy Mission, Inc. (PLM). Ang PLM ang nagbigay ng pambili ng gamot at bitamina para malabanan ko ang lepra reaction at sila din ang nagbigay ng pagkakataon na maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Natulungan nila akong gumaling sa aking pisikal, emosyonal at spiritual na sakit.
Ngayon, wala na akong leprosy. Unti-unti na nawawala ang bakas/peklat na dulot ng sakit. Malapit na din akong matapos sa aking kurso na office Management Technology sa Polytechnic University of the Philippines-Paranaque. At bilang pasasalamat sa kabutihang natanggap ko ay tumutulong akong ipaalam sa lahat na may lunas na sa leprosy at dapat isulong na maalis ang stigma at diskriminasyon sa mga taong nagkasakit nito. Kami din po ay may karapatang mamuhay ng normal at maging prodaktibong miyembro ng ating kumunidad.
Hindi magbabago ang aking pananaw sa aking sarili at sakit na leprosy kung walang mga taong tulad nyo na tumulong sa akin. Dahil patuloy na nagtatago ang taong may sakit o nagkasakit ng leprosy, malaki pa po ang aming gawain. Kailangan po namin ang inyong patuloy na supporta at pang-unawa.
Nagpapasalamat,
Dazelle Ann